Ilang negosyante sa Batangas City naperwisyo ng oil spill

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 06:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang oil spill ang nadiskubre sa karagatan ng Barangay Tabangao Aplaya, Batangas City noong Sabado, ayon sa mga awtoridad, dahilan para maperwisyo ang ilang negosyante sa lungsod.

Ayon sa mga Bantay-Dagat ng lugar, mga mangingisda ang nag-report ng oil spill matapos nilang maaktuhan ang nangingitim at nangangamoy na langis sa isang bahagi ng katubigan.

Hindi pa matukoy kung saan nanggaling ang tumapong langis.

"As of now wala pa namang fish kill, mga traces lang talaga ng sediments na nagkapit sa bato ang nakikita ngayon," ani Bgy. Tabangao Aplaya Chairman Rey Doce.

Umaaray naman ang mga negosyante na namumuhay sa paligid ng dagat.

Isang timba lang ng panindang clam o sihi ang nakuha ni Grace Escoton noong Sabado.

"Maiitim pati 'yung mga sihi eh talagang di ko kayang kuhanin nakakatakot po pagbenta baka makasira ng tao kaya di na lang po," ani Escoton.

Tiniyak naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang dapat ikabahala dahil minimal o manipis lang ang nakita nilang oil spill.

"Sa assessment po namin di ganun ka-devastated 'yung shoreline," ani Commander Geoffrey Espaldon ng PCG-Batangas.

Pero bawal munang maligo sa dagat ng.

Patuloy na inaalam kung saan nagmula ang tumapong langis.
    
—Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.