PatrolPH

SOCO: Dalagitang nilaslas ang leeg at sinaksak nakaligtas

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2018 03:19 PM | Updated as of Aug 18 2018 03:31 PM

 

Pauwi na si alyas "Jackie" noong Hulyo 18, 2011 nang makasalubong nito ang dating kasamahan sa trabaho na si Gary Magbanua.

"Nandoon na po siya sa kanto. Nagmamadali po, emergency daw po. Sumama po ako," kuwento ng dalagita.

Nagulat na lang ang dalagita nang kunin ni Magbanua ang kaniyang cellphone at kinitang pera sa tindahan. 

"Nung pagtalikod ko, sabi niya, pasensiya na. Kailangan daw po niyang gawin 'yun. Di na po ako nakapagsalita noon," sabi ng biktima.

Noo'y bigla na lang nilaslas ng suspek ang biktima sa leeg. Sinundan ito ng dalawang magkasunod na saksak sa katawan.

"Di ko po alam na sinaksak na pala ako... Nung kinaladkad po ako noon, tinadyakan po ako."

Dahil sa pagdanak ng dugo sa mga sugat ni Jackie, nawalan siya ng malay. 

"[Pero] bigla na lang po ako nagising. Parang nilakasan ko po 'yung loob ko," kuwento ni Jackie.

Nagawang makarating ni Jackie sa gilid ng kalsada sa kabila ng mga tinamong saksak.

"Di po ako makapagsalita noon kasi po 'pag nagsasalita ako para pong may bumubuga doon sa leeg ko parang dugo," sabi ni Jackie.

Nasaklolohan lang si Jackie matapos ang halos apat na oras.

Ni-report ng mga kaanak ni Jackie na si Magbanua ang huling kasama nito bago mawala. Natiyempuhan naman ng mga opisyal ng barangay ang suspek sa sarili nitong tahanan.

"Nakuha ko po sa baywang 'yung knife na ganito kahaba," paglalarawan ng barangay tanod na si Arnel Santos.

Nakuha rin mula sa suspek ang cellphone at pera ng biktima.

Dahil sa mga ebidensya at salaysay ng biktima, sinampahan ng kasong robbery at frustrated homicide si Magbanua.

Matapos ang halos pitong taon nitong Hulyo 13, 2018, nahatulan ng guilty si Magbanua. Nahaharap ngayon ang suspek sa parusang walong taong pagkakabilanggo.

Nakamit man ni Jackie ang ganap na hustisya, hinding-hindi pa rin daw nito mapapatawad ang suspek.

"Malungkot kasi eight years lang siya nasa kulungan... Hindi pa sapat 'yun. Kulang na kulang pa para sa kaniya," giit ng biktima.

Panoorin ang buong kuwento sa "SOCO: CRIME SURVIVORS" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Mapapanood rin ang kaso sa iWantTFC at IWanTV .
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.