Taxi driver patay sa pananaksak sa Baguio City

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 08:08 PM

BAGUIO CITY – Patay ang isang taxi driver matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang mga pasahero Biyernes ng madaling araw.

Bandang ala-una ng madaling araw ng Biyernes nang pagsasaksakin ng mga 'di pa nakikilalang lalaki ang taxi driver na si Angel Sarmiento sa KM4 Asin Road dito.

Ayon sa mga pulis, maaaring isinakay ni Sarmiento ang mga suspek sa central business district ng lungsod at ibinaba sa KM4 Asin Road.

Nagtamo siya ng siyam na saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Maaaring hold-up daw ang motibo ng mga suspek.

“Wala na 'yung koleksyon niya, wala na din 'yung wallet,” ani Senior Inspector Pablo Nead.

Nakatakbo pa palabas si Sarmiento, pero hindi na ito nakalayo at binawian na ng buhay ilang metro mula sa kanyang taxi.

May mga nakarinig umano ng malakas na busina at sigawan sa taxi at natanaw ang dalawang lalaki na sakay ng biktima.

Hinihinalang tumakbo ang mga ito papunta sa bahagi ng Irisan dumpsite.

Ayon sa mga kasamahan ni Sarmiento, katangi-tangi ang kanyang sipag. Nagpipintor ito sa umaga, nagtataxi naman sa gabi. Sa kanyang sipag, nakapagpatayo na siya ng bahay.

Naulila ni Sarmiento ang dalawang anak.

Nakatira ang kanyang pamilya sa Pangasinan, habang nangungupahan siya sa La Trinidad, Benguet.

“Hindi po ako makapaniwala, napakasakit, 'di ko alam ang gagawin,” ani Rowena Sarmiento, asawa ng biktima.

Takot naman ang dulot nito sa mga taxi driver sa Baguio at La Trinidad.

“Kapag mga apat na lalaki, tapos lasing, hindi na namin isinasakay,” sabi ni Elvis Tanan, isang taxi driver.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para matukoy ang mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.