'Sibak', hindi sapat; hustisya, hanap ng pamilya ni Kian

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 08:06 PM | Updated as of Aug 18 2017 10:35 PM

Sinibak na ang tatlong pulis na dawit sa pagkamatay ng binatilyo sa Oplan 'Galugad' sa Caloocan. Subalit hindi kontento ang mga magulang ng 17 anyos na lalaki rito. Hiling nila ay hustisya para sa anak. 

Masaklap para sa ina ni Kian Loyd delos Santos, ang binatilyong kasama sa mga napatay sa Oplan 'Galugad' ng pulisya ng Caloocan, na datnan ang anak na nasa kabaong. Umuwi mula Riyadh si Lorenza matapos mabalitaan ang pagkamatay ng anak. 

Hindi siya kontento na masibak lang sa puwesto ang mga pulis. Nais niyang mapanagot sila sa batas dahil malinaw daw sa mga hawak nilang testigo at ebidensiya gaya ng CCTV na hindi nanlaban ang kanyang anak. 

"Mahal na mahal ko anak ko, Diyos ko naman. Nananawagan po ako sa Pangulong Duterte, kahit di na po mabalik ang buhay ng anak ko, sana po magkaroon ng hustisya para maniwala ako sa kampanya niyo na hinuhuli niyo at pinapatay ang totoong drug addict, hindi po drug addict ang anak ko," sabi ni Lorenza. 

Para sa kanya, walang kapatawaran ang ginawa kay Kian Loyd. 

Bago ang insidente, tila may pahiwatig na ang anak. 

"Nag-send siya ng maraming message, 'Mama, mahal na mahal kita, uwi ka na kasi, 'Ma, napakabuti mo, hayaan mo pagtanda mo alagaan kita'. Lagi niyang sinasabi na alam ko ang hirap mo diyan sa Saudi kaya bawat piso na pinapadala mo pinapahalagahan namin."

Umalma rin ang ama ng binatilyo na si Saldy sa nakuhang ebidensiya mula sa anak. Aniya, hindi kaliwete ang anak, ngunit nakuha ang kalibre .45 sa kanyang kaliwang kamay. 

"Maliwanag na maliwanag, planted, binaboy niyo anak ko, ba't niyo dadalhin sa putikan? Dito niyo nahuli, dito niyo na lang binaril kung sira ulo, di ba," ani Saldy.

Hindi rin matanggap ng mga kapitbahay na sasapitin ng isang inosenteng binatilyo ang trahedya. 

"Lahat po kami nasasaktan, bigyan po sana ng katarungan ang ginawa nila kay Kian. Hindi po makaturangan ginawa nila kay Kian. Dapat po patayin din kung sino man 'yung pumatay na mga pulis na 'yan."

Pinasibak na sa puwesto ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz. Sinibak na rin ang station commander na si Chief Inspector Amor Cerillo.

Iniutos na rin ni Albayalde na imbestigahan ang insidente.

"Binigyan ko po ng direktiba ang Regional Investigation natin na makipag-coordinate sa Internal Affairs Service para imbestigahan po ang insidenteng 'yan," ani Albayalde.

'Bumunot, nagpaputok' 

Batay sa spot report ng pulisya, bumunot umano at nagpaputok ng baril si delos Santos kaya ito pinaputukan ni PO3 Arnel Oares. 

Taliwas naman ito sa kopya ng CCTV mula sa barangay na nagpapakita sa lalaking hinihila ng dalawang pulis. Subalit hindi ito pinaniniwalaan ni Senior Supt. Chito Bersaluna ng Caloocan police. 

"Di ko pa naklaro kasi medyo malabo 'yong CCTV, at hindi ko rin naman nakita 'yong aktuwal na ano..." ayon kay Bersaluna. 

Ayon naman sa isang bagong testigo na bukod pa sa dalawa nang naunang humarap sa ABS-CBN, kita niya mismo ang paghila ng dalawang nakasibilyang pulis sa binata. 

"Kitang kita ko po na si Kian ang binitbit nila. Buong akala namin dadalhin nila sa barangay tapos papakawalan kaya kampante kami na di mangyayari sa bata 'yong ganon," kuwento ng testigo. 

Para naman kay Albayalde, kailangan muna nilang patunayan ang nilalaman ng CCTV upang malaman kung may iregularidad sa isinagawang operasyon. 

"Kung talagang mapatunayan na talagang 'yon 'yong bata na nakunan sa CCTV na talagang hawak-hawak na ng pulis ay do'n po siguro makikita natin na there's irregularity do'n sa ginawa nilang operation," ayon kay Albayalde. 

PNP, CHR mag-iimbestiga

Bumisita na rin ang mga taga-Philippine National Police Internal Affairs Service at National Police Commission sa pamilya delos Santos. Pinuntahan na din nila ang lugar kung saan natagpuang patay si Kian Loyd. 

Nagsimula na ring mag-imbestiga ang mga taga-Commission on Human Rights. 

"Tinututukan natin ang kaso na ito dahil maliban sa alleged EJK (extrajudicial killing) na issue, vulnerable sector o bata ang naging victim dito at maririnig nga natin ang paghagulgol ng magulang na nawalan ng anak," ayon kay Atty. Jackie de Guia, tagapagsalita ng CHR. 

Nangako rin ang CHR ng legal assistance sa pamilya delos Santos.

Balak din ng pamilya na dumulog sa National Bureau of Investigation para magsagawa ng parallel investigation sa pagkamatay ni Kian Loyd. 

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.