Mga tsuper, kailangang pumasa sa bagong exam bago pumasada

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 10:57 PM

Kailangan muling mag-aral at pumasa sa mga pagsusulit ang mga tsuper bago makapasada, ayon Department of Transportation (DOtr) Huwebes. 

Sa paglulunsad ng PUV (Public Utility Vehicle) Driver's Academy, sasailalim ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan sa mga pagsasanay at klase ukol sa anger management, road courtesy, terms and conditions of CPCs (certificates of public convenience), at traffic rules and regulations.

"This is not just a launch, but a start of one of the major programs of the agency, which aims to upgrade the competence, skills, and enhance the character of our public utility drivers,” saad ni Martin Delgra III, hepe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Matapos makumpleto ang libreng kurso sa loob ng ilang linggo, kailangang maipasa ng mga tsuper ang isang pagsusulit upang makakuha ng panibagong ID na dapat ipaskil sa loob ng minamanehong sasakyan.

Isang beses lamang puwedeng ulitin ang pagsusulit, at ang mga hindi papasa sa ikalawang pagkakataon ay hindi na maaaring pumasada, ani Delgra.

Ang ID ay magpapatunay na may sapat na kakayahan at kaalaman ang isang tsuper sa pagmamaneho ng pampublikong sasakyan, dagdag ni Delgra.

Ang bawat tsuper na sasailalim sa programa ay kailangang lumagda sa isang information sheet na sa kalaunan ay magiging parte ng database ng mga nagmamaneho ng pampublikong sasakyan sa Pilipinas.

Bago pa man ilunsad ang PUV Driver's Academy, sumasailalim na sa mga pagsusulit ang lahat ng nagnanais na kumuha ng lisensya sa pagmamaneho.

Ang kakulangan sa pagsasanay ng ilang tsuper ng jeepney, bus at iba pang mga pampublikong sasakyan ay matagal nang dahilan ng ilang reklamo mula sa mga pasahero at sanhi ng mga aksidente sa lansangan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.