Habambuhay sa bilangguan, hatol sa 4 na sangkot sa droga

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 07:46 PM

Habambuhay na pagkakabilanggo ang hatol ng korte sa Maynila sa apat na akusado na napatunayang lumabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bukod sa habambuhay na pagkakakulong, inatasan din ni Judge Emilio Rodolfo Legaspi III ng Manila Regional Trial Court Branch 13 ang mga akusadong sina Christian Tan, Novelo Anastacio, Nelson Salumbides at Mervin Oblefias na magmulta ng tig-kalahating milyong piso dahil sa kanilang pagkakasala.
 
Iniutos din ni Legaspi na ikulong ang 4 sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
 
Sa tala ng korte, ang apat ay nahuli kasunod ng buy-bust operation na inilatag ng mga pulis noong Agosto 2012 sa M. Dela Fuente Street, Sampaloc, Maynila kung saan naganap ang pagbili ng 500 gramo ng shabu sa mga suspek na nagkakahalaga ng P1.3 milyon.

Itinanggi ng mga suspek ang alegasyon ng pulisya ngunit ayon sa hukom, matibay ang mga ebidensiyang inihain ng prosekusyon upang mapanagot ang mga akusado sa kaso ng pagbebenta ng bawal na gamot.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.