Grab, U-Hop, dinagsa ng 'magpapakupkop' na Uber drivers, operators

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 10:10 PM | Updated as of Aug 19 2017 12:09 AM

Dinagsa ng mga operator at driver ng Uber ang tanggapan ng Grab at U-Hop nitong Biyernes matapos payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na saluhin ng dalawang nabanggit na Transport Network Vehicles Services (TNVS) ang mga apektado ng suspensiyon ng Uber. 

Nakahinga nang maluwag ang mga driver at operator nang mabalitaang puwede na silang mamasada muli habang suspendido ang Uber.

Noong Huwebes, nagdesisyon ang LTFRB na payagan ang Grab at U-Hop na pansamantalang kupkupin ang mga driver at operator ng Uber. 

Lahat ng mga accredited Uber drivers at operators ay makukupkop umano ng Grab.

"Grab will accommodate all accredited TNVS during the one-month suspension, no cap on the number of Uber TNVS to be absorbed," ayon kay Brian Cu, country head ng Grab Philippines.

Gayon din ang U-Hop, subalit manghihingi na sila ng komisyon matapos ang isang buwan. 

"Iwe-welcome namin yung Uber with no commission for one month. After one month, 'yun na 'yung charging namin ng 10-percent commission," ayon kay Dana Marasigan, officer-in-charge ng U-Hop.

Ilan sa mga requirement upang pansamantalang makalipat sa Grab o U-Hop ang mga sumusunod:
1. Proof of accreditation mula sa Uber
2. Proof of insurance coverage bilang TNVS

Kapag nakumpleto ang requirements at training, kaya ma-activate ang Uber drivers ng Grab at U-Hop sa loob ng isa o dalawang araw. 

Sinabi naman ng Uber na magbibigay pa rin sila ng financial assistance sa mga apektado ng suspensiyon, at regular silang magbibigay ng update tungkol dito. 

Hiling naman ng ilang partner operators at drivers sa Uber, sumunod na sa panuntunan ng pamahalaan para hindi maaberya ang kanilang pasada.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.