Bato sa bilang ng mga patay sa war on drugs: 'Normal na marami'

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 08:46 PM | Updated as of Aug 18 2017 10:42 PM

Wala umanong nakikitang problema si Philippine National Police Chief Ronald dela Rosa sa dami ng mga bumubulagta sa mga magdamagang operasyon ng pulisya bilang bahagi ng drug war. 

Hindi raw ito kataka-taka, dahil ibig sabihin lamang nito ay nagtatarabaho ang mga pulis. 

"Normal na marami. Nagtatrabaho 'yong pulis ninyo. Hindi natutulog, nagtatrabaho, kaya iyon nag-o-operate," aniya. 

Humingi rin siya ng dispensa sa mga namatayan, pero binanatan naman niya ang mga kritiko ng 'war on drugs'.

"Sa mga pamilya na umaalma, alam kong masakit talaga 'yan sa pamilya, 'yan na mamatayan, we understand your feelings. We are very sorry."

Tinira naman niya ang umano'y pananahimik ng mga kritiko kapag drug lords na ang pinag-uusapan. Kaya naman ipinapayo niya sa pulisya na huwag makinig sa mga kritiko at ituloy lang ang trabaho.

Nangako naman siyang iimbestigahan ang kaso ng 17 anyos na napatay sa Oplan Galugad sa Caloocan. 

Samantala, iniimbestigahan na ng Philippine National Police Internal Affairs Service ang mga kaso ng one-time, big time operations sa Bulacan kung saan 32 ang namatay, at ng Manila Police District kung saan 25 ang namatay. Kasama rin sa imbestigasyon ang kaso ng binatilyong napatay sa Caloocan. 

Kinatigan naman ng Malacañang ang paglobo ng bilang ng mga biktima ng anti-illegal drugs operation sa Metro Manila at Bulacan. Patunay lang umano ito ng masigasig na pagkilos ng pulisya para masugpo ang problema ng droga at kriminalidad. 

Ayon pa kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, isolated umano ang kaso ng binatilyong napatay sa Caloocan. 

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.