3 pulis na sangkot sa pagkamatay ng binatilyo sa Caloocan, sibak sa puwesto

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 11:15 AM | Updated as of Aug 18 2017 11:31 AM

Kian Loyd Delos Santos, 17, a student from a Catholic school is taken by scene of the crime operatives (SOCO) after he was killed in a police operation at Riverside, Brgy. 160, Caloocan City on August 16, 2017. Vincent Go, ABS-CBN News

Sinibak sa puwesto ang mga pulis na sangkot sa operasyon na ikinamatay ng isang binatilyo sa Caloocan nitong Huwebes.

"Immediately, pina-relieve natin 'yung tatlong involve na pulis, plus the PCP (Police Community Precinct) commander at temporarily in-assign natin sa Regional Police Holding and Accounting Unit natin to pave the way for an impartial investigation," ayon kay National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde.

Napatay nitong Miyerkoles ang 17-anyos na estudyanteng si Kian Loyd Delos Santos matapos umanong gumanti ang isa sa mga pinaputukan umano nitong operatibang nagsasagawa ng Oplan Galugad sa isang barangay sa naturang siyudad.

Hindi naman kinagat ng pamilya ng binatilyo ang report ng pulisya hinggil sa insidente. May kuha umano ang CCTV ng barangay na nagpapakitang bitbit ang binatilyo ng dalawang nakasibilyang pulis papunta sa lugar kung saan siya natagpuang patay.

May dalawang saksi rin ang humarap sa ABS-CBN News na nagsasabing piniringan, pinagsusuntok at sinikmuraan pa ang binatilyo nang arestuhin. Nasundan din ng mga saksi ang mga pulis at kita umano nilang inabot sa binatilyo ang isang baril.

Sinabihan umano ito na iputok ang baril saka tumakbo. Nang tumakbo ang binatilyo, doon na siya pinaputukan ng pulis.

Sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga, sinabi rin ni Albayalde na nagbigay na rin siya ng direktiba sa Regional Investigation Division na makipag-ugnayan sa Internal Affairs Services para sa isasagawang imbestigasyon.

"Binigyan na rin natin ng direktiba 'yung district director to ensure the security nung mga relatives ng bata at kahit 'yung chief of police d'yan gumawa na rin ng sariling imbestigasyon," ani Albayalde.

Inaasahan naman ni Albayalde na lalabas sa lalong madaling panahon ang resulta ng imbestigasyon ng IAS.

"ASAP po. Kahapon pa po natin binigyan ng direktiba ang ating Internal Affairs Services. Sa tingin ko one or two weeks po matatapos 'yung kanilang imbestigasyon dyan," sabi niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.