Snatcher sa viral video, arestado na

Francis Faulve, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2016 08:02 AM

MANILA – Arestado na ang lalaking nag-viral sa social media matapos makunan ng dash cam ang ginawa nitong paghablot sa bag ng isang babaeng nakasakay sa taxi sa Tondo, Maynila kamakailan.

Nakahubad na nakatambay sa kalye kaya sinita ng mga pulis ang 35-anyos na si Nelson Maraya De Leon alias “Ingkong” sa may Tondo Miyerkules.

Agad siyang kumaripas ng takbo pero nasakote pa rin ng mga pulis.

Sa presinto na rin umamin si De Leon na siya ang nang-isnatch sa bag sa pasahero ng taxi sa Tondo noong June 11.

Naging viral pa nga ang kuha ng CCTV at dash board camera sa social media.

Kita kasi rito na binuksan ng suspek ang pinto ng nakahintong taxi bago hinablot ang bag ng pasahero at saka tumalilis hanggang tuluyang naglaho at nakatakas.

Narekober mula kay De Leon ang isang ice pick, isang sachet ng hinihinalang shabu, pati ang bag na umanoy ninakaw nito.