Lola binugbog, sinakal ng apo hanggang mamatay

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2016 10:11 PM

ISABELA--Bangkay na nang matagpuan ng kanyang mga kaanak si Lola Jovita Talosig, 85 anyos, sa loob ng kanilang store room sa Cauayan City, Isabela.

Binawian ito ng buhay matapos diumanong saktan at sakalin ng sariling apo na si Mark Wilson Ramos, 28 anyos.

Hinanap pa umano ng kanilang katulong si Talosig kay Ramos, pero sabi nito, pumunta sa palengke ang lola.

Ayon sa imbestigasyon, humingi umano ng pera si Ramos sa kanyang lola, pero hindi ito pumayag. 

Ito ang pinaniniwalaang dahilan kung bakit nagwala ang lalaki.

Binugbog pa umano nito ang biktima at inuntog ang ulo sa pader, saka sinakal hanggang namatay.

Sinubukan pang tumakas ni Ramos, pero kaagad din siyang naaresto ng mga otoridad.

Ayon sa hepe ng Cauayan Police na si Supt. Engelbert Soriano, may nakalap na impormasyon na may history ng pagsailalim sa psychiatric consultation si Ramos.

Pero hindi umano ito nai-confine.

Hinihintay pa ng mga pulis ang resulta ng drug test ni Ramos para malaman kung nasa impluwnesiya ito ng iligal na droga nang saktan ang matanda.

Kinasuhan na ng parricide ang suspek at nakadetine sa Bureau of Jail Management & Penology sa Cauayan City. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.