100 kg 'botcha' kumpiskado sa Urdaneta City

Joana Tacason, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2016 02:56 PM

URDANETA CITY, Pangasinan – Kinumpiska dito ng pamahalaan ang mahigit 100 kilo ng "botcha" o double-dead na karne Huwebes ng umaga.

Nakita ng mga opisyal ng Bantay-Karne Task Force ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang double-dead na karne sa Urdaneta City Public Market.

Itinanggi ng ilang tindera na nagbebenta sila ng double-dead na karne. Ito ay ibinigay lang umano sa kanila ng ibang tao, na nakikiusap na ibenta nila ito para hindi malugi.

Ayon sa NMIS, na nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA), nilabag ng mga nahuling tindero at tindera ang DA Administrative Order No. 6, series of 2012, kung saan nakasaad ang tamang paraan ng pagtago at pag-asikaso ng mga karne.

Ibabaon sa dumpsite ang “mishandled meat."

Binalaan naman ni Dr. Eduardo Oblena, acting director ng NMIS Region 1, ang publiko na suriing mabuti ang mga binibiling karne sa palengke, at mag-ingat sa double-dead o botcha.

Madalas ay maputla na ang kulay nito, may mabahong amoy, malamig at matigas dahil sa yelo, hindi nilinis ang balat, at mas mababa ang presyo kumpara sa sariwang karne.

Posibleng magdulot ng food poisoning ang pagkain ng karneng double dead, o botcha.