PatrolPH

Imbestigasyon sa pagkabangga sa tricycle driver sa QC, pinagdududahan

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2022 11:58 PM

Naniniwala ang pamilya ng biktima ng kasong hit-and-run sangkot ang isang opisyal ng Quezon City Police District na may nangyaring cover-up sa imbestigasyon sa insidente.

Sa isang Zoom interview ng ABS-CBN News team kay Col. Fernando Ortega, Deputy Admin ng QCPD, sinabi nitong ayon umano kay Lt. Col. Mark Julio Abong, ang may-ari ng sangkot na pick-up, hindi raw ito ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan nang mabangga ang tricycle na minamaneho naman ni Joel Laroa.

Namatay si Laroa sa nasabing insidente, at nailibing na.

Si Abong naman ay dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD.

Isang "Ronald Centino" ang binanggit ng traffic sector kay Arlene Laroa, kapatid ng biktima, na siya umanong nagnakaw ng sasakyan ni Abong.

Ito rin umano ang inirekomenda ng pulis na dapat kasuhan ng pamilya, na siya namang ginawa ni Arlene.

Sinabihan rin si Arlene na nakatakas umano si Centino, at ang sasakyang ninakaw umano nito ay nawawala rin.

Naniniwala ngayon ang pamilya ni Laroa na isang fall guy si Centino.
 
Sa tulong ng ilang concerned citizen, may lumabas na video kung saan makikitang nilapitan ng mga pulis-QC ang sasakyan ni Abong matapos ang banggaan.

May naglabas ng baril ngunit hindi inaresto ang driver.

Dito na labis na nagduda ang pamilya.

"Ang pinagtataka namin, nandoon si Col. Barredo, 'yung mobile. Tapos hindi nila nahuli. Natakasan sila. Ganoon ba sila ka reckless, kahina? Hindi nahuli ng mga tao mo ang ordinary driver?" ani Arlene.

Nagsumbong sa QC Peoples Law Enforcement Board si Arlene dahil naniniwala siyang may cover-up sa imbestigasyon.

Bukod sa fall guy umano ang suspek, ang malaking tanong rin sa mga kaanak ng biktima ay kung talagang ninakaw ang sasakyan mula kay Abong ng kaniyang tauhan, dapat sana ay nai-ulat ito na "carnapped". Anila, base sa kanilang pagtatanong ay wala naman raw alarmang ganun.

Humihingi rin si Arlene ng tulong sa bagong pinuno ng Philippine National Police na mabigyang hustisya ang nangyari sa kapatid.

"General Azurin, sana mabigyan kami ng proteksyon... Sana hindi kayo maging biased sa inyong kapulisan. Sana mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid ko," aniya.

KAUGNAY NA VIDEO 

Watch more News on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.