MAYNILA - Nakatakdang ibalik ang nasa 133 ruta ng jeep, UV Express at city buses sa harap ng pag-arangkada ng face to face classes.
Sa dalawang memorandum circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, sinabing ibabalik ang 49 ruta ng tradisyonal na jeep, 3 ruta ng modern jeep, 32 ruta ng UV Express at 33 ruta ng city buses -- na karamihan ay nagseserbisyo sa University Belt.
Kailangan lang mag-apply ng special permit ang mga may prangkisa na para makabalik sa ruta. Wala na ring gagawing dry run bago magpasukan.
"Hindi po sila mahirapan diyan, in our opinion, mga lumang ruta nila 'yan eh," ani LTFRB Chairman Cheloy Garafil.
Sa kabuuan, aabot sa 11,000 pampublikong sasakyan ang maibabalik sa ruta at kung hindi man ito sumapat ay nakahanda ang ibang government agency na mag-alok ng masasakyan. Nakipag-ugnayan naman ang LTFRB sa MMDA pagdating sa daloy ng trapiko.
Matatandang inalis at pinutol ang mga ruta nang magsimula ang pandemya para pag-aralan sa ilalim ng route rationalization program kung ano ang mas epektibo at efficient na ruta sa Metro Manila.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.