PatrolPH

4 estudyante patay sa salpukan ng van, truck sa Tayabas City

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2022 01:49 PM

Retrato mula kay Nhiecole Abejo, BNFM Lucena
Retrato mula kay Nhiecole Abejo, BNFM Lucena

Patay ang 4 na estudyante matapos sumalpok ang sinasakyang van sa sinusundang truck sa Tayabas City, Quezon madaling araw ng Miyerkoles.

Pawang mga residente ng Candelaria, Quezon ang mga nasawing biktima, na may mga edad 18 hanggang 23, ayon sa pulisya.

Sa imbestigasyon ng Tayabas police, mabilis ang takbo ng van na sinasakyan ng mga biktima nang sumalpok ito sa sinusundang forward truck sa paakyat na bahagi ng highway sa Barangay Calumpang.

Watch more News on iWantTFC

Galing Lucena City ang van at patungo na sa Candelaria nang mangyari ang aksidente bandang alas-3 ng madaling araw.

Ayon sa driver ng truck, dahil sa bigat ng kanilang karga, hindi niya namalayan ang pagsalpok at inakala niyang pumutok lang ang 1 gulong sa hulihan.

Pero nang itinabi na umano ang truck, doon niya nakita sa side mirror na kaladkad na nila ang van.

Hawak ngayon ng Tayabas police ang truck driver.

— Ulat ni Ronilo Dagos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.