PatrolPH

11-buwang gulang na sanggol sa Cagayan nasawi sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2021 02:27 PM | Updated as of Aug 17 2021 02:28 PM

Nasawi sa COVID-19 ang isang 11-buwang gulang na sanggol sa bayan ng Santa Praxedes, Cagayan.

Ito din ang unang kaso ng COVID-19 fatality sa bayan, ayon sa Santa Praxedes Rural Health Unit and Birthing Center.

Base sa Facebook post ng rural health unit, namatay dahil sa COVID-19 ang sanggol noong Sabado, Agosto 14.

Dinala noong Agosto 3 sa Northern Cagayan District Hospital ang sanggol matapos makaranas ng ubo, sipon at hirap sa paghinga. 

Isinailalim ang sanggol sa RT-PCR test noong Agosto 6 at 3 araw ang nakalipas, lumabas ang resulta kung saan napag-alaman na positibo siya sa COVID-19.

Nasawi ang sanggol noong Agosto 14 habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan. 

Nagsagawa ng contact tracing ang municipal health office para matukoy ang lahat ng mga posibleng nakasalamuha ng sanggol. 

Pero lumabas sa swab test na negatibo sa COVID-19 ang pamilya, kaanak at mga close contact ng sanggol kaya palaisipan kung saan o kanino siya nahawa. 

Dahil dito, ibayong pag-iingat ang ipinapayo ng lokal na pamahalaan sa mga residente lalo na ang mga authorized person outside residence o APOR.

Sa huling tala noong Linggo, Agosto 15, mayroong 23 bagong kaso ng COVID-19 sa Santa Praxedes kung kaya umaabot na ngayon sa 38 ang aktibong kaso. 

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

— Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.