PatrolPH

Bantang mass resignation ng health workers tuloy hangga't di binibigay ang benepisyo

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2021 08:44 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Bilang nurse, handa si Shirley Aguilar na harapin ang panganib ng COVID-19 para sa mga pasyente.

Pero aminado sya, nakakabigat ng loob kapag naiisip niyang hindi kayang tustusan ng kanyang propesyon ang pangangailangan ng pamilya.

Ang 2 niyang anak, halimbawa, hindi niya mabilhan ng laptop para sa online classes. Bukod kasi sa nakalaan na ang sahod niya sa pang-araw-araw na pangangailangan, atrasado rin ang inaasahan niyang benepisyong ipinangako mismo ng gobyerno.

"Masakit 'yung tipong nababaon ka sa loan dahil kailangan mong mag-loan para mabili mo 'yung gusto ng mga bata, para maramdaman mo rin 'yung komportableng buhay... Masakit kung iisipin mo parang nasayang 'yung pagod mo," hinaing niya. 

Pangunahing benepisyong sinisingil nila ay ang P5,000 special risk allowance (SRA), benepisyong ipinangako pa sa Bayanihan 1 at 2 para sa lahat ng health workers sa pampubliko man o pribadong ospital na direktang humahawak sa COVID-19 patients.

May ipinangako ring active hazard duty pay na P3,000 kada buwan para sa mga health worker, pati na meal, accommodation at transportation allowance.

Pero lahat ng ito, palaging atrasado.

Katunayan, 6 buwan na-delay ang pagbabayad ng SRA bago naibigay ang pondo para rito noong Hunyo. Bagama't nabigyan na ang ilan sa pampublikong ospital, marami sa mga nasa pribado ang wala pa.

Dahil dito, nagbabanta na ng mass resignation ang ilang health workers' union katulad ng sa St. Lukes at UST Hospital.

Pero ayon sa Department of Health (DOH), naibigay na ang pondo sa regional offices at sa iba't ibang ospital at posibleng kulang lang ang requirements ng ilang hindi nakatanggap.

"Baka kasi procedural, hindi kayo nakapagsumite ng requirements na kailangan... O baka ang pagkaka-compute n'yo po hindi po ayon doon sa provisions na meron tayo sa policies kaya hindi tayo nagtutugma," paliwanag ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire. 

Pero ayon sa mga unyon, hindi ito totoo.

"Kung talagang naibigay po ito sa amin hindi kami tutuntong sa ganito," ani Donnel John Siason, union president ng UST Hospital. 

Ang problema, nagdudulot ito ng pagkawalang gana sa mga health workers.

Ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP), hanggang 40 percent na ang nag-resign sa kanilang mga tauhan at hindi na ito napalitan hanggang ngayon.

"May demoralization kasi inasahan nilang makukuha ito, nagtatanong sila sa amin akala nila hindi lang namin binibigay ang pondo pero wala pa… Nagtanong kami sa members sa Region 3 wala pa, sa Mindanao lalo na wala," sabi ni PHAP president Jose de Grano. 

Babala ng Alliance of Health Workers (AHW), lalawak pa ang problema ng mass resignation kung hindi tutugunan agad ang mga problema ng health workers.

"May nagsabi na sa amin sa mga rehiyon, sabi nila kung hindi makukuha ito, magre-resign na lang sila," ani Robert Mendoza ng AHW. 

Nakadagdag pa sa hinanakit ng mga health workers ang paglabas ng report mula Commission on Audit tungkol sa ilang kuwestiyon sa pondo ng DOH.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.