Sa gitna ng lumolobong kaso: QC magtatayo na rin ng COVID-19 molecular lab

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2020 03:27 PM

MAYNILA — Gaya ng ginawa ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila noong mga nakalipas na buwan, magtatayo na rin ng sarili nitong COVID-19 molecular biology ang Quezon City.

Nangunguna pa rin ang QC sa dami ng kumpirmadiong kaso ng COVID-19 sa NCR. Batay sa datos ng DOH, aabot na sa 15,377 ang confirmed cases ng COVID-19 sa lungsod. 

 

Iko-convert ng QC ang tatlong palapag na Senior Citizen and Livelihood Building na nasa CP Garcia sa Barangay Teacher's Village East para maging testing center. 

Sinabi ni Mayor Joy Belmonte na kapag natapos ang renovation at makumpleto ang mga kagamitan, hihingin nila ang akreditasyon ng Department of Health (DOH). 

Nasa 500 test ang maaaring gawin dito sa loob ng isang araw. Galing sa pribadong sektor ang pondong ginamit para rito. 

Inaasahang bago magtapos ang Agosto ay magagamit na nila ito. 

"Ang hinihintay na lang po natin ay ang training mechanism nito. Kasi kailangan i-train 'yung ating mga technician sa RITM (Research Institute for Tropical Medicine)... Kapag natapos na po ang training, puwede na po tayong mag-process ng ating sariling specimens. [H]indi na po tayo aasa sa mga private laboratories or sa private hospitals," ani Belmonte. 

Maaari ding gamitin ang gusali sa testing ng iba pang sakit tulad ng HIV, TB, dengue at iba pa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.