GUAGUA, Pampanga - Pansamantalang isasara ang palengke ng bayan ng Guagua sa Pampanga dahil sa COVID-19.
Epektibo Lunes ng umaga, isasailalim sa lockdown ang buong palengke.
Ayon kay Mayor Dante Torres, pansamantalang isasara ang palengke para sa disinfection at contact tracing.
Ito ay matapos magpositibo sa COVID-19 ang 2 market vendor at 1 market staff.
"Yung isang nagtitinda, asawa siya nung isang tinamaan. Tapos nung lumabas 'yung resulta negative siya pero 'yung mga anak niya positive, tatlong anak positve kaya medyo dun ang question namin ngayon," ani Torres.
Sa muling pagbubukas ng palengke, mahigpit na ipapatupad ang executive order ng bayan na mandatory wearing ng face mask at face shield para sa mga market vendors, checkers at maging ang mga street sweepers.
Papatawan ng multa at parusa ang mga hindi susunod sa patakaran.
Inaasahang magtatagal ang lockdown hanggang Miyerkoles.
Sa huling tala ng awtoridad, aabot nasa 500 ang positibong kaso ng COVID-19 hanggang nitong Sabado.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.