Compound na nasunog sa Parañaque pinaghihinalaang ninakawan muna

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2020 06:13 PM | Updated as of Aug 17 2020 06:55 PM

MAYNILA — Nasunog ang bahagi ng isang compound sa Parañaque City noong Linggo ng gabi. 

Sumiklab ang sunog sa Wintex compound sa West Service Road, Barangay Marcelo Green alas-10 ng gabi. 

Mabilis na nakaresponde ang mga bumbero at pumuwesto sa katabing lote ng compound. 

"Buti na lang di pa kami tulog, eh biglang umusok," anang residente. 

Makalipas ang isang oras, nagdeklara ng fire out. Nasa P300,000 ang tinatayang halaga ng natupok. 

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy sa isang dating laundry shop sa compound na ginawa nang bodega. 

Pero nagtaka ang may-ari ng compound dahil nang maapula na ang apoy ay wala sa bodega ni abo ng nakaimbak na ref, gas range oven, mesa, at kama. 

Di rin aniya puwedeng faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog dahil dalawang taon nang walang kuryente sa imbakan. 

"Ninakaw muna yung gamit bago sunugin... Walang kuryente. Paano magkakasunog sa loob?" ani Malou Villaroman.

Iniimbestigahan na ito ng BFP. 

Dumulog na rin ang nasunugan sa barangay para masilip kung may pumunta sa lugar bago nagkasunog. 

Nagpaalala naman ang BFP na kahit sa gitna ng pandemya, maging alerto pa rin sa mga posibleng pagmulan ng sunog sa bahay at tiyaking ligtas ang lahat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.