MAYNILA — May bagong pasilidad ang gobyerno sa Quezon City na magsisilbing ospital para sa mga tatamaan ng coronavirus disease.
Pinangunahan ngayong Lunes nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at COVID-19 policy chief implementer Carlito Galvez ang pagpapasinaya sa Center for Emerging and Re-emerging Infectious Diseases, isang bagong gusali sa East Avenue Medical Center (EAMC).
May anim na palapag ang gusali at kayang mag-admit ng 250 na pasyente. Mayroon din itong emergency room complex, operating room, dialysis unit, isolation room, at intensive care unit.
Taong 2014 nang simulan ang pagtatayo sa gusali, na ginastusan ng P560 milyon at gagamitin sana para sa pagtugon sa iba't ibang uri ng nakahahawang sakit.
Pero dahil sa pandemya, eksklusibo muna itong ilalaan para sa COVID-19 cases.
"The East Avenue Medical Center is leveling up by assigning its six-story building for all COVID-related activities," ani Dr. Alfonso Nuñez, medical center chief sa EAMC.
Ayon kay Galvez, bahagi ito ng mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan ang mga pasilidad, lalo't tumataas ang bilang ng COVID-19 cases dahil sa mas agresibong testing.
"Sa pamamagitan po ng pasilidad na ito, atin pong matutugunan ang paggamot sa ating mga kababayan na tinamaan ng nasabing sakit," ani Galvez.
Samantala, gaya ng ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila, nagtayo na rin ang Quezon City government ng sarili nitong COVID-19 molecular biology laboratory.
Iko-convert umano ng lokal na pamahalaan ang 3 palapag na gusali sa Barangay Teacher's Village East para maging testing center. Inaasahan umanong magagamit ito bago matapos ang Agosto.
Manggagaling umano sa pribadong sektor ang pondong gagamitin para dito.
Kapag naibigay na ng DOH ang accreditation, nasa 500 test ang maaaring gawin sa pasilidad kada araw.
"Kapag tayo na ang nagpa-process ng ating specimens, hindi na tayo aasa sa mga private laboratories or sa private hospitals," ani Belmonte.
Maaari rin umanong magamit ang laboratoryo para sa iba pang sakit tulad ng dengue, tuberculosis, at human immunodeficiency virus (HIV).
-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, medical facility, Quezon City, East Avenue Medical Center, Center for Emerging and Re-emerging Infectious Diseases, Carlito Galvez, Joy Belmonte, COVID-19 molecular lab, COVID-19 testing center, COVID-19 pandemic