PatrolPH

ALAMIN: Health protocols ng Comelec sa simula ng voter's registration sa Set. 1

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2020 08:22 PM

MAYNILA — Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na maghihigpit sila sa mga polisiya at health protocols sa pagpapatuloy ng voter's registration sa Setyembre 1.    
    
Sabi sa TeleRadyo ni Comelec spokesperson James Jimenez, gagawin lang ang voter's registration sa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ areas.

Nasa 3 hanggang 4 na milyon pa ang inaasahan nilang magpaparehistro, kaya iiwasan aniya nilang magkaroon ng siksikan sa registration offices.

Ayon kay Jimenez, bukas lang ang pagpapatala mula Martes hanggang Sabado at istrikto mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.

"Lilimitahan po natin ang tao sa loob nung registration center. Kaya ang malinaw na sinasabi natin ngayon pa lang, 'yung pagtanggap natin ng application forms, ng registration ay hanggang 3:00 p.m. lang talaga. Alam naman natin na yung siksikan ngayon, delikado sobra," ani Jimenez.
    
Giit pa ng Comelec, no face mask, no face shield, no registration ang magiging patakaran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.