'Libingan' ng mga napatay ng 'gun-for-hire' group natunton sa Dasmariñas

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2019 05:50 PM | Updated as of Aug 17 2019 08:11 PM

Watch also in iWant or TFC.tv
Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA — Natunton nitong Sabado ng pulisya ang lugar na umano'y pinaglilibingan ng mga bangkay na itumba ng isang notoryus na gun-for-hire group. 

Sa isang liblib na lugar sa Barangay Salawag, Dasmariñas, Cavite ay nahukay ang sari-saring bungo at mga ngipin ng tao. 

Mismong ang mga suspek na sina Richard Camantigue Lozanta alyas "Panga" at Sonny Llanos Toledo ang nagturo sa mga pulis ng libingan. 

Nahuli ang 2 noong Huwebes matapos magpositibong miyembro nga sila ng "Camantigue Gun for Hire Drug Group."

"Based sa revelation ng mga arestado, pinapatay nila at binabaon dito ang mga target," sabi ni Police Capt. Alexis Tuazon, tagapagsalita ng Cavite Police Provincial Office.

Patungo ngayon ang pulisya sa isa pang lugar na umano'y ginagawa ring libingan ng grupo.

"May mga lugar pa po dito na pupuntahan at huhukayin na allegedly doon nila binabaon ang mga napapatay... Sabi more than 3. So far, isa pa lang nakikita nating positive na may buto ng tao," dagdag ni Tuazon.

Ipapasuri sa mga forensic expert ang nahukay na mga buto.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga pulis sa iba pang miyembro ng grupo.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.