80 bahay, naabo sa sa sunog sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2019 03:25 AM | Updated as of Aug 17 2019 09:45 PM

Aabot sa 80 bahay ang naabo sa isang sunog sa Barangay Calumpang, General Santos nitong Biyernes. Francis Canlas, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS - Tinatayang 80 bahay ang naabo matapos sumiklab ang isang sunog sa Barangay Calumpang sa lungsod nitong Biyernes.

Gawa sa light materials ang mga bahay at malakas din ang ihip ng hangin, dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga residenteng tumulong sa pag-apula ng apoy. Ang iba, umakyat pa ng bubong matiyak lang na hindi madamay sa sunog ang kanilang ari-arian.

Ang mga ibang nasunugan, ninakawan pa umano.

Sa inisyal na talaan ng city disaster risk reduction and management office (CDRRMO), halos 100 pamilya ang apektado. Agad na inilikas ang ilan sa kanila sa covered court ng barangay hall. 

Ang iba naman, nakitira pansamantala sa mga kamag-anak.

Ayon kay Dr. Bong Dacera, action officer ng CDRRMO, possible pang madagdagan ang bilang ng mga apektado sa sunog dahil hindi pa tapos ang kanilang assessment. Magbibigay sila ng paunang tulong sa mga nasunugan.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection para matukoy kung saan nagsimula ang apoy at makuha ang inisyal na halaga ng pinsala.

Sa ngayon, wala pang impormasyong kung may nasaktan o namatay sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.