2 empleyado ng Customs sugatan matapos pagbabarilin sa loob ng kotse

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2019 05:38 PM | Updated as of Aug 17 2019 09:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sugatan ang 2 empleyado ng Bureau of Customs (BOC) matapos silang paulanan ng bala sa loob ng sasakyan sa Makati City noong Biyernes. 

Kinilala ang 2 biktima na sina Maricon Manalo at Marietta Lasac, na magkapatid. Hindi naman tinamaan ang isa pa nilang kasama sa kotse. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang bumabaybay sa Victoria Street sa Barangay Magallanes ang mga biktima nang biglang tumigil ang kotse sa harapan nila. 

Bumaba ang 4 na lalaki at saka sila pinalibutan ang kotse ng mga biktima. Pilit binubuksan ang kotse at sinubukan pang basagin ng isa sa kanila ang gilid ng sasakyan. 

Pumasok ulit sa kanilang sasakyan ang mga salarin at doon na pinaputukan ng baril ang sasakyan ng mga biktima.

Agad namang nakaatras ang mga biktima, dahilan para lubayan sila ang gunmen. 

Stable na ang kondisyon ng mga biktima habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa krimen. 

Hindi pa malinaw ang motibo sa krimen pero posible umanong pandurukot o pagnanakaw.

Sa isang pahayag, kinondena ng BOC ang pag-atake sa kanilang empleyado. 

Inatasan na ni Customs commissioner Rey Leonardo Guerrero ang Customs Intelligence and Investigation Service para tulungang mapanagot ang mga salarin. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.