1 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Iloilo City

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2019 10:01 AM

Sa madilim na eskinita sa Barangay Taft North sa Mandrurriao, Iloilo City naganap ang pamamaril. Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

ILOILO CITY – Isa ang patay at isa ang sugatan sa pamamaril na naganap sa isang eskinita sa Barangay Taft North sa Mandurriao dito sa siyudad, Biyernes ng gabi.

Ayon sa isang saksi, umiihi umano ang dalawa sa pader nang biglang lapitan ng armadong lalaki ang isa sa dalawang biktima at pinagbabaril.

Nakaangkas umano sa isang motorsiklo ang gunman. Bumaba ito at pumasok sa eskinita at saka binaril ang isa sa mga biktima.

Sumakay ulit sa motorsiklo at mabilis na tumakas ang salarin.

Kuwento pa ng testigo, naka-mask ang gunman kaya hindi niya na ito makilala.

Ayon kay Police Maj. Marlon Valencia, nagtamo ng multiple gunshot wounds sa katawan ang nasawing biktima habang ligtas naman ang isa pa na tinamaan sa paa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nabatid na hindi magkakilala ang mga biktima at nagkataon lang na nagkasabay sila sa eskinita.

Patuloy pang iniimbestigahan ang motibo sa krimen at inaalam pa ng awtoridad ang background ng dalawang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.