Tuta ng pamilya sa cement mixer accident, naibalik na

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 03:04 PM | Updated as of Aug 17 2017 11:53 PM

Hindi napigilang maluha ni Marife Ramos nang makitang akay ng kanyang 8 anyos na anak ang dalawang buwang gulang na tuta.

Aniya, naaalala niya sa tuta ang kanyang asawang si Ulysses na nasawi sa aksidente sa Mindanao Avenue sa Quezon City.

Isang cement mixer truck ang tumagilid at dumagan sa sasakyan ng pamilya Ramos, at nagdulot ng pagkamatay ni Ulysses, samantalang nagtamo naman ng baling braso si Marife, at nasugatan naman ang kanilang tatlong anak. 

Samantala, mula sa nawasak na sasakyan, nakita ng mga rescuer ang isang tutang lumabas at sumusunod sa isa sa mga nakaligtas sa aksidente, kuwento ng isang taga-Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na rumesponde.

Dinala ang tuta sa mga nakaligtas habang tumatanggap sila ng paunang lunas sa ambulansiya, kuwento ng jail officer na si Jenny Ramirez. Ipinaalaga naman muna pansamanatala ng pamilya ang tuta sa mga rescuer.

“Siyempre po, kinomfort po ng mga kasama ko yung dog kasi ano siya, nanginginig,” pag-alaala ni Ramirez. 

Di nagdalawang-isip si Ramirez na arugain ang tuta, lalo't mahilig ito sa mga aso, at naiintindihan din niya ang koneksiyon ng aso sa amo nito. 

“Actually, family member na siya kaya kailangang maibalik siya sa tunay na may-ari,” ayon kay Ramirez.

Kaya noong Miyerkoles ng gabi, personal na bumisita si Ramirez sa burol ni Ulysses upang maibalik na rin ang tuta sa pamilya nito. 

Agad namang sinalubong ng 8 anyos na bata ang tuta na may pangalang Conrad. 

Umaasa naman si Ramirez na makatutulong si Conrad sa pamilya habang pinagdaraanan nila ang pagsubok na ito sa kanilang buhay.

“Parang naging emotional din po ako na siyempre nawalan po sila ng member ng family. Pero kakayanin nila 'yon kasi nandoon naman po ‘yong mga immediate relatives nila, kaya makakaya nila 'yon,” ayon kay Ramirez.

Tumanggi naman sa panayam ang pamilya Ramos, ngunit sinabi nila sa ABS-CBN News na binili ng padre de pamilya si Conrad noong Martes ng umaga bilang sorpresa sa mga bata.

Noong hapon ding iyon, naisipan ng pamilya na kumain sa labas at mag-grocery kasama ang tuta. Iyon ding hapon na iyon naganap ang aksidente. 

Nawalan man ng isang miyembro ng pamilya ang mga Ramos, napakahalaga naman ang pagbabalik ng tuta sa kanila. Patuloy na magsisilbing paalaala ang tuta sa mabait at mapagmahal na asawa't ama nila. 

-- Isinalin mula sa eksklusibong ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.