Sabong sa Pampanga, tigil muna dahil sa bird flu

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 10:26 PM | Updated as of Aug 17 2017 11:43 PM

Ipinatigil ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes ang sabong sa probinsiya ng Pampanga sa loob ng dalawang linggo bilang bahagi ng precautionary measures ng ahensiya upang maiwasan ang pagkalat ng avian influenza.

Idineklara ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang suspensiyon nang ininspeksiyon ang mga pabrika ng prinosesong pagkain sa Pampanga. 

Suportado ito ng local government ng Bacolor, Pampanga at sinabing agad silang maglalabas ng 'memo' ukol dito.

Inilagay sa state of calamity ang probinsiya noong nakaraang linggo nang mamatay ang aabot sa 40,000 na ibon sa 36 na farms dahil sa hagupit ng avian flu.

Samantala, sinimulan na ng DA ang paghihiwalay, pagkatay at paglilibing o culling ng mga ibong maaaring mayroong avian flu. Sa ngayon ay nasa 70,000 na mga ibon na ang nakakatay sa San Luis, Pampanga upang matiyak na hindi kumalat ang virus. 

DA, paiigtingin ang 'bio-security team' vs bird flu

Posible namang maantala ang pagkatay ng mga ibon sa Pampanga dahil nais ni Piñol na linawin ang bio-security protocol sa pagkatay. 

Aniya, isa sa mga titingnan ay kung paano idi-dispose ang dumi ng manok at ng iba pang animal wastes, at kung ano ang protocol sa pagpasok ng mga tao sa isang farm. Isa rin aniya sa mga kailangang ipatupad ay ang 'disinfecting procedures' upang hindi makontamina ng virus ang mga taong nagsasagawa ng culling.

Dumating na rin ang dagdag na tropa mula sa Philippine National Police Pampanga Public Safety Company at binigyan ng protective gear habang binabantayan ang ginagawang pagpatay sa mga poultry product.

Food security, apektado

Ayon kay Nicanor Briones, dating Agricultural Sectoral Alliance of the Philippines party-list representative, maaaring maapektuhan ang food security kung magpapatuloy ang ban.

Hinimok niya ang DA na alisin ang shipment ban sa Luzon at sa halip ay maghanap ng ibang paraan tulad ng paghihigpit sa pitong kilometrong 'controlled zone' sa San Luis.

Dagdag pa ni Briones na maaaring mawalan nang milyon-milyong pisong kita ang mga egg farmer dahil sa umiiral na ban.

Inaasahan naman aniya ang pagkakaroon ng higit na supply sa poultry products sa Luzon at ang pagtaas ng presyo nito sa buong bansa.

Ipinag-utos naman ni Piñol na palakasin ang pagbabantay at pangongolekta ng samples sa lahat ng poultry farm.

Nauna nang target ng DA na makapag-cull ng aabot sa 600,000 na mga ibon.

Sa loob ng 35 araw, kung walang maitatalang kaso ng sakit, idedeklara nang "bird flu-free" ang probinsya, ani Piñol.

-- Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.