Pulis arestado sa pagpatay sa nars sa Batangas

Arnell Ozaeta, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 09:13 PM

BATANGAS — Arestado ang isang bagitong pulis matapos itong iturong pumatay sa isang municipal nurse sa bayan ng Agoncillo.

Kinilala ni Senior Superintendent Randy Peralta, Batangas police director, ang suspek na si Police Officer 1 Justin Feliciano Colona na naka-assign sa 3rd Maneuver Platoon sa probinsiya ng Quezon.

Si Colona ay positibong itinuro ng mga saksi na bumaril at nakapatay kay Darrel Irvin De Claro, 28, municipal nurse at residente ng Barangay Poblacion, Agoncillo, Batangas.

Ayon sa report, sakay ng motorsiklo si De Claro papuntang basketball court sa Poblacion nang sundan umano ni Colona at pagbabarilin siya.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Mabilis na tumakas ang suspek, pero nasukol din ito sa isinagawang hot-pursuit operation.

Love angle o selos ang tinitingnang motibo ng pamamaril dahil naging girlfriend na umano ni De Claro ang ex-girlfriend ni Colona.

Nakakatanggap umano ng mga pagbabanta si De Claro mula kay Colona dahil gusto umano ng pulis na makipagbalikan sa dati niyang girlfriend.

Nakapiit ngayon si Colona sa Agoncillo Police Station para harapin ang kaukulang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.