Pagkasabat sa P6.4-B drug shipment, sinserong trabaho: BoC intel chief

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 06:26 PM

Walang ibang motibo, bagkus ay sinserong trabaho ang ginampanan ng mga taga Bureau of Customs na nakasabat ng daan-daang kilo ng shabu shipment mula China.

"Yung ginawa nating pag-recover ng 605 kilos ng shabu ay isang sinserong trabaho na walang iba tayong inisip doon kung di talagang ma-recover para di na lumabas sa ating lipunan," ito ang pahayag ni Col. Neil Estrella, direktor ng Customs Intelligence and Investigation Service ng BoC.

Sa panayam sa Umagang kay Ganda nitong Huwebes, sinabi ni Estrella na gusto din nilang malaman kung nagkaroon sila ng paglabag sa batas at maimbestigahan kung talagang nagkamali.

Ayon kay Estrella, nitong nakaraang linggo pa niya inihain ang courtesy resignation dala na rin ng pagod na idinudulot ng kontrobersiyal na P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment mula China.

Aniya, nakompromiso na ng kontrobersiya ang kanilang trabaho.

"Nakilala na tayo halos sa buong bansa at hindi na tayo magiging ganun kaepektibo after all these incidents na nangyari ngayon," sabi niya.

Ipinaliwanag din niya na courtesy at hindi irrevocable resignation ang kanyang isinumite dahil gusto pa rin niyang magbigay respeto kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nagtalaga sa kanya sa posisyon.

"I do not want to assume. I'm just waiting for the formal communication and I hope malapit na siguro yun dahil na-transmit naman ito properly papunta sa office ng ating pangulo," sabi niya.

Paniwala na Estrella na kahit pa nabigo ang sinasabing sistema, nagawa pa rin nilang mahadlangan ang pagkalat ng droga sa bansa sa pamamagitan ng drug raid noong Mayo.

"Siguro we prevented hundreds of thousands of loss of life dahil pwedeng mamatay dito, pwedeng madisgrasya," dagdag niya.

Para sa kanya, ang insidente ay isang "eye opener" umano para sa lahat na hindi foolproof ang sistema.

"Dapat marami pang gawin para sa susunod hindi na tayo malusutan ng ganitong klaseng kargamento," sabi niya. Umagang kay Ganda

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.