MSU tuloy ang pagbubukas ng klase sa kabila ng bakbakan sa Marawi

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 09:43 PM | Updated as of Aug 17 2017 09:44 PM

MARAWI CITY—Inilunsad ang Brigada Eskuwela sa Mindanao State University (MSU) nitong Huwebes bilang paghahanda sa pormal na pagbubukas ng klase sa Martes.

Ilang beses nang naantala ang pagbubukas ng klase sa MSU dahil sa patuloy pa rin na bakbakan sa Marawi City.

Nauna nang naiulat na mayroong banta ang mga terorista sa MSU, ngunit itinanggi ito ng mga opisyal ng unibersidad.

Bukod sa mga opisyal ng paaralan, nagtungo rin dito si Lt. Gen. Carlito Galvez, hepe ng Western Mindanao Command.

Ayon kay MSU officer-in-charge at abogadong si Jamaloden Basar, patuloy man ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at Maute group, handa na silang simulan ang klase.

Naging maganda rin umano ang kinalabasan ng enrollment, patunay na hindi takot sa patuloy na gulo ang mga empleyado at estudyante. 

Gayunman, patuloy pa rin ang mahigpit na pagbabantay ng militar sa MSU.

May kasunduan ang MSU at militar na magkakaroon ng updated na talaan ng mga pangalan ng mga estudyante at empleyado para mabilis silang makapasok sa loob ng unibersidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.