Kalahating milyong Pinoy, hindi alam na may TB sila

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 07:41 PM

Aabot na sa isang milyong Pilipino ang may sakit na tuberculosis, ayon sa World Health Organization (WHO), ngunit hindi alam ng higit kalahati rito na mayroon silang sakit.

Base naman sa datos ng National Tuberculosis Prevalence Survey 2016, nasa 581,000 bagong kaso ng tuberculosis ang naitatala sa bansa taon-taon.

Nasa 22,000 din na Pinoy ang namamatay kada taon dahil sa tuberculosis. 

Kaya naman mas agresibo na ang gagawing kampanya ng Department of Health (DOH) para malabanan ang sakit na tuberculosis sa gitna ng pagdami ng bilang ng mga Pilipino na mayroon nito.

Plano ng DOH na magkaroon ng home o community-based check-up at treatment.

Bukod dito, balak ding magkaroon ng mobile check-up van para sa mga malalayong lugar na walang access sa mga medical facility. 

Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, mahalaga na magpa-check-up kahit na hindi nakakararanas ng sintomas upang masiguro na ligtas mula sa sakit.

Airborne o nakahahawa ang sakit na tuberculosis kapag na-expose sa taong may sakit. Kadalasan ding wala itong sintomas. 

Dagdag ni Ubial, maglalabas din sila ng executive order ngayong taon na nagsasabing ang DOH lang ang tanging panggagalingan ng gamot laban sa tuberculosis. 

Sa ilalim nito, hindi makukuha o mabibili saan man ang gamot para makontrol at maiwasan ang drug-resistant cases ng tuberculosis. Pero libre naman anila ito para sa lahat.

Sa tala ng WHO noong 2015, nananatiling isa sa top 10 sanhi ng pagkamatay sa buong mundo ang sakit na tuberculosis. -- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.