Inakalang stiff neck, sintomas na pala ng malalang sakit

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 07:09 PM | Updated as of Sep 04 2017 09:01 PM

Hindi pa rin makapaniwala ang magulang ng isang dalagita sa Pampanga kung paanong ang simpleng stiff neck ng anak ay sintomas na pala ng isang sakit na kaniyang ikamamatay.

Kuwento ng inang si Monica Charmaine Licayan, nitong Pebrero, ininda ng kaniyang 15 anyos na anak na si Jessica ang stiff neck na sinabayan ng lagnat.

Ipina-checkup si Jessica, pero maayos pa raw ang resulta nito.

Hanggang sa bigla na lang naging malubha ang lagay ng dalagita.

Ayon sa ginang, may mga pagkakataong tila nagha-hallucinate na ang anak o may mga nakikita at sinasabing malayo sa realidad.

Dinala raw niya ang anak sa isang ospital sa Maynila para mapasuri dahil inakalang dengue na ang tumama sa dalagita. Nagnegatibo siya sa dengue.

Hanggang sa pumanaw si Jessica nitong Marso.

Ayon sa mga doctor, nasawi sa sakit na Japanese encephalitis ang dalagita.

Gaya ng dengue, nakukuha ito sa kagat ng lamok.

Ayon sa Department of Health (DOH) nasa 300 kaso ng Japanese encephalitis ang naitala sa buong bansa.

Sa tala ng DOH-Central Luzon, 149 kaso na ang naitala nito sa kanilang rehiyon. Sa bilang na iyan, 22 ang naitala sa Pampanga.

Wala pang gamot sa ganitong sakit, pero may bakuna para maiwasang magkasakit.

Iyon nga lang, nasa P3,500 - P5,000 ang halaga ng bakuna sa mga pribadong ospital o clinic.

Kaya naman payo ng mga doctor, agad magpatingin sa espesyalista oras na lumabas ang sintomas ng Japanese encephalitis. 

Kapag nakagat ng lamok na may Japanese encephalitis, sa loob ng 5 hanggang 15 araw, karaniwang sintomas na lalagnatin ang pasyente, sasakit ang ulo, magsusuka, malilito, at mahihirapang gumalaw.

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.