Duterte: Kung opisyal ka't madamay sa droga, pasensiya na lang

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 11:10 PM

Muling binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Huwebes ang mga opisyal ng gobyerno laban sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

"I said to the police and to the military, destroy the apparatus, the organization of drug syndicate. Kaya kapag namatay kayo, mayor ka man o congressman, governor, pasensiya ka. That is my order," anang Pangulo sa kaniyang pagbisita sa mga pulis sa Ozamiz City. 

Ipinahayag din ni Duterte ang pagkadismaya sa Bureau of Customs kaugnay sa P6.4-B halaga ng shabu shipment na nakalusot sa ahensya, bagamat iginiit na walang kinalaman si BoC Commissioner Nicanor Faeldon sa nakalusot na droga sa Customs.

"Tapos ang Bureau of Customs, 'yung ahensiya na inaasahan ko, 'yung pulis, pu**** ina nasa droga. So how can I succeed even if you give me the whole of my term?"

"Alam ko na nagkamali ako, mali talaga ako. Hindi ko naman akalain na 'yang Bureau of Customs na 'yan akala ko kaalyado ko. Pero si Faeldon is not the one. He is not that kind of person," ani Duterte.

Samantala, muling nagpasaring si Duterte kay dating Pangulo Benigno "Noynoy" Aquino III kaugnay sa pahayag nito na parang walang nangyari sa war on drugs ng kasalukuyang administrasyon.

"Kita mo 'yung panahon niya (Aquino), kaya ko tinawag 'yung former president na gunggong, ay talagang gunggong siya. Tinanong siya 'kumusta 'yung pagtingin mo sa fight against drugs?' Anong sagot ng... simple-minded naman talaga sabihin mo 'walang nangyari'."

"Bakit ka magsagot ng gano'n? 'Yung na-embargo ko na shabu katumbas lang ng 6 years niya, ako mag-iisang taon... Masakit 'yan I am sensitive because marami na akong pulis na matitino na namatay," sabi ni Duterte.

Nagpahayag din muli ng suporta si Duterte sa mga pulis na nasa operasyon laban sa droga.

"If the police and the military get into trouble in connection with the performance of his duty, maaasahan mo hindi talaga ako papayag na makulong kayo," giit ni Duterte sa harap ng mga pulis Ozamiz.

Muli namang ipinakita ng Pangulo ang kaniyang 'narco-list', at sinabing may mga husgado at pulis na kabilang sa listahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.