Binatilyong ballet dancer mula Bacolod, wagi sa international competition

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 06:00 PM

Nangibabaw ang galing ng Pinoy ballet dancer sa Asian Grand Prix International Ballet Competition sa Hong Kong Academy for Performing Arts noong Agosto 7-12.

Nakamit ni Rench Isaac Soriano, 16 anyos mula sa Bacolod City, ang grand prize matapos magpamalas ng kanyang pambihirang talento at kahanga-hangang tikas at galaw sa nasabing kompetisyon.

Dinaig ni Soriano ang ibang mga kalahok mula sa 15 bansa. 

Aniya, masaya siyang mag-uwi ng karangalan para sa Pilipinas.

"It was really unimaginable. It was really unexpected. I can't even explain about it but, I'm so happy not just for myself, but for my family, for my country, and for my province."

Maagang nahasa sa ballet si Soriano sa murang edad na 9.

Nagtuloy-tuloy ang pagpapabuti ni Soriano sa training hanggang sa nagsimula na siyang sumabak sa mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa sa edad na 10.

Pero hindi umano naging madali ang kanyang pagsasanay para sa kompetisyon dahil isinabay niya ito sa kanyang pag-aaral.

Nagpahirap din umano ang mga pangungutya ng ilang tao sa kanya dahil pambabae lang anila ang ballet.

"I've experienced a lot of those, all I can do is to ignore it. I wouldn't waste my time explaining to them that ballet is not just for girls but also for boys," sabi ni Soriano.

Pangarap ni Soriano na maging ballet teacher balang araw para mas marami pang mga taga-Bacolod ang matulungan at mapasikat sa ballet.

--Ulat ni Meneil Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.