Alok ng Uber: P10 milyong multa kapalit ng suspensiyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 06:17 PM | Updated as of Aug 18 2017 12:04 AM

Nag-alok ang Uber ngayong Huwebes ng P10 milyon bilang multa kapalit ng pagtatanggal sa isang buwang suspensiyon nito.

Nagbibigay din umano ng ayuda ang nasabing ride-sharing service sa mga driver nitong apektado ng suspensiyon. Hindi naman nabanggit kung magkano ang ayuda. 

Sa pahayag ng Uber, naghain ito ng ikalawang pleading upang himukin ang LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) na tumanggap ng multa, imbes na ipagpatuloy pa ang suspensiyon bilang solusyon, at upang mabawasan ang pasanin ng mga mananakay at ng mga tsuper. 

Sa parehong pahayag din nila sinabing nag-aalok sila ng ayuda para sa kanilang mga driver habang inaayos pa ang isyu. 

Humingi naman ng dispensa ang Uber sa LTFRB noong Miyerkoles, at nangakong susunod sa mga batas ng bansa.

Nauna nang minultahan ang Uber at Grab ng tig-P5 milyon dahil sa pag-o-operate ng mga ito ng mga sasakyang hindi nabigyan ng gobyerno ng prangkisa. 

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.