9 bus terminals sa EDSA, ipinasara

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 12:49 AM

Ipinasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng Quezon City ang siyam na provincial bus terminals sa kahabaan ng EDSA dahil sa samu't saring paglabag sa batas.

Isa ang First North Luzon sa mga ipinasara.

Binalikan pa ni MMDA Chairman Danny Lim ang terminal nang mabalitaang itinuloy ng kompanya ang mga biyahe ng bus pag-alis nila.

Pinahatak din niya ang 15 bus at inaresto ang dalawang opisyal ng bus company na pinagpatuloy pa rin ang pagbiyahe sa kabila ng closure order.

Bukod sa First North Luzon, ipinasara rin ang mga terminal ng ES Transport, Lucena Lines, Golden Bee Transport, Amihan Bus Lines, Golden V, Jac Liner, Five Star, at Philtranco. Karamihan sa mga ipinasara, mga walang business permit.

Lumabag umano ang Lucena Lines sa 'nose in, nose out' policy. Wala ring fire safety certificate at work permit ang mga empleyado.

Nakitaan din ng paglabag ang Amihan at Philtranco na iisa ang garahe at terminal, nag-o-operate nang walang mayor's permit, walang fire safety clearance, at ilegal ang mga trabahador dahil walang mga kaukulang papeles.

Sabi ni Lim, ilang taon nang walang pakialam sa mga ordinansa ang mga bus company at dapat nang bigyan ng leksiyon.

Samantala, nataranta naman ang mga pasahero na naghihintay ng kanilang mga sasakyang bus.

May ibang pasaherong nainis dahil may mga dala silang bagahe at wala na silang ibang masasakyan.

Humingi ng refund ang mga pasahero pero pinagsarhan sila ng ticket booths.

Naawa naman ang MMDA sa mga pasahero kaya pinayagan na rin silang makasakay ng bus para ihatid sa Pasay terminal. Pero paglabas ng bus, agad na binarikadahan na ang mga terminal.

Giit ni Lim, hindi nila titigilan ang mga pasaway na bus company.

Dahil sa isinagawang operasyon, umaasa ang MMDA na luluwag ang trapiko sa EDSA.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.