25 patay, 48 arestado sa police ops sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 04:10 PM | Updated as of Aug 17 2017 11:21 PM

Hindi bababa sa 25 ang patay at 48 ang arestado sa maghapon at magdamagang operasyon ng pulisya sa Maynila ngayong Huwebes, ayon sa Manila Police District. 

Ito ay matapos ang wala pang 24 oras mula nang magsagawa ng operasyon kontra droga ang pulisya ng Bulacan na nagdulot ng pagkamatay ng 32 katao. 

Nagsagawa ng di bababa sa 18 operasyon ang mga pulis-Maynila mula alas-7 ng umaga ng Miyerkoles hanggang alas-7 ng umaga ng Huwebes, ayon kay Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng Manila Police District. 

"Sa ngayon po, mayroon pang iniimbestigahan ang Manila Police District Homicide Section at hindi po ako mag-speculate, maaari pong tumaas pa yung aming resulta sa isinasagawang anti-drug campaign ng Manila Police District," ayon kay Margarejo. 

Unang nang naibalita na nasa 18 ang nasawi sa mga operasyon. 

Nilinaw naman ni MPD director Chief Supt. Joel Coronel na bukod sa 25 ay may isang namatay na biktima ng murder at hindi ito konektado sa ano mang operasyon ng pulisya. 

Sa 25 patay, 14 ay hinihinalang nagdodroga, samantalang 11 naman ang mga suspek sa pagnanakaw, ayon sa ulat ng DZMM. Naaresto naman ang 48 katao sa parehong operasyon. 

Simula noong Martes, may 57 katao na ang patay sa mga operasyon ng pulisya sa Bulacan at Maynila. 

Nitong Miyerkoles, pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga isinagawang anti-drug raid sa Bulacan na nagdulot sa pagkamatay ng 32 katao. 

“Makapatay lang tayo ng mga another 32 everyday then maybe we can reduce what ails this country,” dagdag pa niya. 

Isinagawa ang mga raid na ito sa Tondo, Ermita, Malate, Sta. Cruz, Pandacan, Sampaloc, Sta Ana at Sta. Mesa.

Ayon naman kay Margarejo, kahit hindi pa man pinuri ni Duterte ang mga operasyon sa Bulacan, magpapatuloy pa rin ang MPD at iba pang pulisya sa Metro Manila na magsagawa ng mga one-time, big-time operation kontra ilegal na droga. 

"Nagkataon lang po na ngayong araw na ito ay umabot sa 26 ang na-neutralize ng operatiba ng Manila Police District... Nagkataon lang po siguro na yung mga suspect natin ay kumbaga, lumaban sa ating kapulisan," ayon kay Margarejo. 

Iginiit din niyang sinisiguro ng pulisya ang impormasyong nakukuha nila. 

"Ang importante po validated 'yung information na natanggap na you are a drug personality, na may concerned citizens na vinalidate na Manila Police District na ikaw ay nasasangkot sa iligal na droga," aniya. 

"It's either kayo po ay maaaresto ng Manila Police District o kayo po ay ma-neutralize kung kayo po ay lumaban sa mga operatiba during the conduct of police operation."

-- May ulat nina Dennis Datu at Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.