'Top drug personality', timbog sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2016 11:30 PM

ISABELA – Kalaboso ang umano'y top drug personality sa Ramon, Isabela matapos masamsaman sa kanyang bahay ang humigit-kumulang P100,000 halaga ng bawal na gamot Miyerkules ng umaga.

Sa bisa ng isang search warrant, hinalughog ng mga pulis ang bahay sa Purok 7, Barangay Ambatali, Ramon, Isabela kaninang umaga na pagmamay-ari umano ni Ryan Mansaya, na sinasabing top drug personality, ayon sa mga pulis.

Sa master’s bedroom ng bahay ay nakasamsam ang mga pulis ng 12 sachet na naglalaman ng mala-kristal na material na pinaniniwalaang shabu, na sinasabing may halaga na humigit-kumulang P100,000.

Ayon kay Senior Insp. Marcelino Telan Jr., deputy chief of police ng Ramon, nakuha rin nila sa bahay ang isang weighing scale na ginagamit umano kapag nagbebenta ng iligal na droga.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, galing Bulacan o Pangasinan ang bawal na gamot, na inaangkat umano ng live-in partner ni Mansaya.

May nakuha rin na mga drug paraphernalia tulad ng mga lighter at gamit na foil, indikasyon umano na drug den o pinaggagamitan ng shabu ang bahay ni Mansaya.

Noong Hulyo 15 ay sumuko sa mga pulis si Mansaya, sa ilalim ng Oplan Tokhang, pero bumalik umano ito sa kanyang iligal na gawain, ayon sa sumbong ng isang kapwa niyang sumuko. Ayon sa nagsumbong, malakas umanong magbenta ng droga si Mansaya sa General Aguinaldo at Ambatali.

Tumangging humarap sa media ang suspek at ang kanyang live-in partner, na kapwa nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.