'Mangkukulam' umano, pinagbabaril sa Ilocos Norte

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2016 11:48 PM

Pinagbintangang mangkukulam ang biktima, ayon sa pulis. Denis Agcaoili, ABS-CBN News

ILOCOS NORTE--Patay ang 70-anyos na si Rosita Ilayat matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay madaling araw ng Miyerkules.

Nagtamo ito ng isang tama ng baril sa ulo at limang tama sa hita.

Namukhaan ang isa sa mga suspek na kinilalang si Johnniefe Macaburas, na apo ng kinakasama ng biktima na si Teodorico Macaburas.

Hindi agad naiulat sa mga pulis ang insidente dahil natakot umanong lumabas ng bahay si Teodorico.

Hindi rin umano narinig ng mga kapitbahay ang mga putok ng baril dahil sa lakas ng ulan.

Pero agad namang nahuli kinaumagahan ang suspek.

Itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kanya at sinabing wala siyang kinalaman sa pangyayari.

Ayon kay police Senior Insp. Allen Emerson Dauz, ang usap-usapan sa komunidad na mangkukulam umano si Rosita ang tinitignang motibo sa pamamaril.

"Ito ay pinagbibintangan na black witch. Ganoon din ang ugong-ugong sa community daw itong matandang ito. Naghahanap tayo gn witnesses na makapagsasabi na mangkukulam itong Rosita," ayon kay Ddauz.

Ayon pa sa otoridad, nabaril si Rosita siyam na taon na ang nakaraan dahil din sa alegasyon na mangkukulam siya.

Haharap sa kaong murder ang suspek na si Johnniefe.