PatrolPH

Lalaki na pumatay umano sa manliligaw ng dating nobya, tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2022 10:04 AM

MAYNILA—Nananawagan ng hustisya ang pamilya ng isang binata makaraang pagsasaksakin siya ng dating nobyo ng kaniyang nililigawan sa Pasig City.

Pinaghahanap ng Pasig City Police si alyas Paul Vincent "Bochok" Miranda.

Kita sa video ang ginawang pagsugod ni Bochok at pwersahang pagpasok sa apartment kung saan maya-maya ay makikita ang isang lalakeng nakatayo at duguan.

Kinilala ang biktima na si Jordan Daos.

Kwento ng ex-girlfriend ni Bochok na si "Angel", inimbita niya si Daos at isa pang kaibigan sa kaniyang apartment para mananghalian noong August 11, at nagulat na lamang sila nang biglang magpakita doon si Bochok.

Ayon pa kay Angel, sinipa ni Bochok ang pintuan ng kaniyang apartment kaya ito nakapasok.

Base naman sa imbestigasyon ng pulisya, sumugod ang suspek na may dala-dalang panaksak.

Dagdag pa nila, matagal nang nakakatanggap ng death threat si Daos, na sinasabing nanliligaw sa dating nobya ng suspek.

Magkahalong galit at paghihinagpis naman ang nararamdaman ng ina ng biktima na walang ibang hiniling kung 'di ang mahuli na ang pumatay sa kaniyang anak.

Sinisisi din niya si "Angel" sa pagkamatay ni Daos.

"'Yung babae dapat kasama yun dahil kung hindi dahil sa kan'ya, hindi mamamatay ang anak ko ... ang tingin ko set up 'yun," aniya.

"Panagutan nila 'yan, lahat. Pagod na pagod na po kami sa kaiisip bakit ginawa 'yan sa anak ko."

itinanggi naman ni "Angel" ang paratang na ito.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong murder laban sa suspek.—Ulat ni Larize Lee, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.