PatrolPH

Magkapatid pinagsasaksak ng 8 menor de edad sa Iloilo; kuya patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2021 11:39 AM | Updated as of Aug 16 2021 12:00 PM

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang nakababata niyang kapatid matapos silang pagtulungang saksakin ng 8 menor de edad sa Estancia, Iloilo nitong Linggo.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi bilang si Jaypee Francisco, 33 anyos, mangingisda mula Baranga Bayuyan, Estancia, habang ang nasugatan naman ay si John Dee Francisco, 27.

Habang nagdidiskarga ng mga isda ang magkapatid sa feeder port sa Barangay Poblacion, bigla silang nilapitan ng mga menor de edad, at pinagtulungang bugbugin at saksakin, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Agad dinala sa ospital ang magkapatid, kung saan idineklarang dead on arrival si Jaypee. Patuloy namang ginagamot si John Dee, na nagtamo rin ng saksak.

Nalaman ng mga awtoridad na may dating alitan ang mga biktima at mga menor de edad, na palaging nakatambay sa port.

Nakainom din umano ng mga menor de edad nang mangyari ang insidente.

Nahuli ng mga pulis ang 6 sa mga suspek habang patuloy na tinutugis ang 2.

Nakatakdang i-turn over ang 6 na suspek sa Municipal Social Worker Development Office ng Estancia.

— Ulat ni Rolen Escaniel

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.