Muling nagbanta ang isang grupo ng medical frontliners ng mass resignation at kilos protesta kung hindi ibibigay ng gobyerno ang kanilang allowance at iba pang benepisyo.
Ayon kay Alliance of Health Workers President Robert Mendoza, kung magmamatigas ang Department of Health (DOH) ukol sa hinihingi nilang allowance at mga benepisyo, mapipilitan silang ituloy ang protesta pati ang mass resignation.
"Kung talagang pikit-bulag ang ating gobyerno sa mga panawagan ng mga health workers, both public and private, talagang pupunta tayo doon sa mass resignation," ani Mendoza.
"Mayroon na kaming nakaplano na sama-samang pagkilos. Ito’y tinatawag naming malawakang lockdown," sabi naman ni Jao Clumia, pangulo ng St. Luke's Medical Center Employees Association.
Pero iginiit ng DOH na gumastos na ng P10.85 bilyon ang pamahalaan para sa higit 740,000 health workers at P4.34 bilyon para sa hazard pay ng higit 864,000 frontliners.
"The SRA (special risk allowance) which is really processed through the regional offices... would mean that they need to enlist in a masterlist in regional offices," paliwanag ni Health Undersecretary Leopoldo Vega.
"We've been asking regional offices to coordinate with private hospitals to write us, validate, certify, health care workers who were not given so we can source out a funding for this," dagdag niya.
Pero may duda sa halaga si Clumia.
"Huwag niyo kaming lokohin. Kaya kami nandito ngayon, ubos na rin po, sagad na rin po kasi 'yong budget ng management, lahat po ng budget na 'yon hindi po galing sa gobyerno," sabi ni Clumia.
Sinabi rin ni Vega na ikinalulungkot niya na sa kabila ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, may mga panawagang magkaroon ng mass resignation sa hanay ng mga health worker.
Sa Martes, nakatakdang humarap ang Commission on Audit (COA) sa pagdinig ng House committee on public accounts kaugnay sa ulat nito sa paggamit ng DOH ng pondo laban sa COVID-19.
Kamakailan lang ay nakitaan ng COA ng ilan umanong kakulangan sa tamang panghawak sa pondo para sa pandemya ang Department of Health
Hinimok naman ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez si Health Secretary Francisco Duque III na dumalo sa pagdinig ng Kamara sa Martes upang maipaliwanag ang COA findings.
— Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolpH, Tagalog news, health workers, allowance, benepisyo, Alliance of Health Workers, St Luke's Medical Center Employees Association, Department of Health, protesta, mass resignation, Commission on Audit, DOH COA report, TV Patrol, Zandro Ochona