Truck driver arestado nang makuhanan ng coco lumber

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 04:32 PM

Retrato mula sa Buhangin Police Station

Arestado ang isang truck driver sa Davao City na nakuhanan ng coco lumber pero hindi makapagpakita ng mga kaukulang papeles kaugnay sa pagputol ng mga puno ng niyog, ayon sa pulisya.

Paglabag sa Republic Act No. 10593 o illegal cutting of coconut trees ang ikinaso laban sa driver na si Jerome Barrios dahil bigo itong makapagpakita ng mga papeles mula sa Philippine Coconut Authority.

Noong Biyernes, tumilapon sa kalsada sa Upper Tigatto, Davao City ang mga coco lumber mula sa truck na minamaneho ni Barrios.

Overloaded o puno at mabigat ang truck kaya ito bumigay at tumilapon sa kalsada ang mga kargang coco lumber, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

May karatulang "food pass" ang van pero hindi naman pagkain ang karga.

Napag-alaman ng mga awtoridad na galing Surigao ang sasakyan at papunta sana sa Tigatto, Davao City para i-unload ang mga karga.

"Para hindi siya maharang sa checkpoint at para maitago ang kanilang mga karga... May food pass nga pero nang lumabas ang karga, coco lumber," sabi ni Police Maj. Estrello Ramiso.

Nagpapagaling naman sa ospital ang pahinante ng truck na naipit kasabay ng aksidente.

-- Ulat ni Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.