P81.6-M halaga ng 'shabu' nasamsam sa Mandaue City

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 12:08 PM

Tinatayang nasa P81.6 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa loob ng forwarding express company sa Mandaue City sa Cebu, sabi ngayong Linggo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Natuklasan ang 12 kilo ng shabu sa loob ng mga tea bag na nasa 3 kahon na idineklarang naglalaman ng mga LED spotlight, ayon sa ulat ng PDEA.

Dumaan sa X-ray examination ang mga kahon matapos maamoy ng mga K9 o aso ang drogang nasa loob ng mga ito nang magsagawa ng paneling and sweeping operation sa mga cargo, sabi sa ulat.

Nang dumaan sa pagsusuri, nagpositibo umano sa shabu ang kontrabando.

Natukoy ng PDEA ang shipper at recipient ng kontrabando, na patuloy na iimbestigahan at sasampahan ng mga kaukulang kaso.

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.