PatrolPH

MECQ nakatulong sa pagbaba ng COVID-19 cases: UP expert

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 05:39 PM | Updated as of Aug 16 2020 10:18 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nakatulong ang muling pagsasailalim sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan sa modified enhanced community quarantine para mapababa ang bilang ng mga taong nagpo-positibo sa coronavirus disease (COVID-19), ayon sa isang eksperto mula sa University of the Philippines (UP).

Ayon kay Guido David, miyembro ng UP OCTA Research group, kung palalawigin ang MECQ sa Metro Manila, posibleng ma-flatten ang curve bago matapos ang Agosto.

"Kasi nakita natin noong MECQ tayo sa Metro Manila, medyo bumababa 'yong transmission rate pero mabagal 'yong pagbaba niya. Pero noong GCQ (general community quarantine), medyo bumilis," ani David.

"Tulad ng nangyari sa Cebu, hindi agad bumaba pero after one month saka bumaba ang curve," dagdag niya.

Sa taya ni David, posibleng pumalo sa 200,000 ang COVID-19 cases sa bansa sa katapusan ng Agosto.

Para hindi na umabot sa ganoon, naniniwala ang doktor na si Tony Leachon, dating adviser sa National Task Force Against COVID-19, na kailangan pang palawigin nang 2 linggo ang MECQ.

Dagdag ni Leachon, kapag bumalik sa GCQ ang Metro Manila ay mawawala ang naging pakinabang ng MECQ.

Nakatakdang matapos ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna sa Martes, Agosto 18. Hindi pa nagbibigay ng pasya ang gobyerno kung luluwagan na ba ulit ang lockdown sa mga naturang lugar o kung palalawigin pa.

Hindi naman pabor ang ilang ekonomista sakaling aprubahan ang pagpapalawig pa ng MECQ.

"Malaking damage sa economy," sabi ng ekonomistang si Calixto Chikiamco.

"Pataas ng pataas ang unemployement natin and by the end of the year, it is projected na mas pinakamataas ang Pilipinas sa unemployement rate compared sa ibang Southeast Asian countries," sabi naman ng ekonomistang si Jessica Cantos-Reyes.

"We have to balance the economy and public health issue," dagdag niya.

Bukas umano si David sa pagbalik sa GCQ basta mahigpit ang pagpapatupad nito.

Mahalaga rin umano ang localized lockdown at testing para ma-target ang mga barangay na mataas ang transmission.

-- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.