PatrolPH

Industrial companies sa Laguna, dapat may sariling isolation facilities: IATF

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 06:47 PM

Pinayuhan ng Inter-Agency Task Force ang mga industrial company sa lalawigan ng Laguna na magkaroon ng sariling mga isolation facility para sa kanilang mga empleyado.

Kasabay ito ng pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng COVID-19 sa Laguna.

Kabilang ang mga lungsod ng Biñan, Cabuyao, Calamba, Santa Rosa at San Pedro ang pinakaapektado sa lalawigan.

Bukod sa malapit sa Metro Manila ang mga lugar na ito, isa pa sa nakikitang dahilan ng IATF ay ang pagkakaroon ng industrial companies sa mga nasabing lungsod.

"Seventy percent dun sa mga limang bayan na yun, ay galing sa industries ito yung mga nagtatrabaho sa mga industriya sa mga economic zones," paliwanag ni Communications Sec. Martin Andanar sa pagbisita ng National Task Force sa San Pablo City.

Binigyang-diin din ni Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya na mahalaga ang disiplina at epektibong contact-tracing.

Bukod dito kailangan ring magkaroon ng sariling isolation facility ang bawat kumpanya para sa kanilang mga empleyado.

"Ang sistema po ngayon lahat ng kumpanya kailangan mayroong quarantine facility so pag may positive sa kumpanyang yun di papauwiin sa barangay, kailangan dun muna sila sa kumpanya dun sila mag quarantine, dun muna sila mag quarantine sa kumpanya nila," aniya.

Hinikayat naman ni National Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon ang mga resorts na ipagamit muna ang kanilang mga pasilidad bilang quarantine facility habang hindi pa sila tumatanggap ng mga turista.

"Napakarami ng resort dito at mga hotel, kunin ninyo po ang mga resort, mga hotel, i-coordinate ninyo po sa amin sa NTF," aniya.

"Yun pong gastos sa hotel, resorts na gagamitin sa isolation, sagot na rin po ng national government 'yan, 'yung mga resort dito kailangan nila ng suporta at tulong, walang nagpupunta sa resort sila ay nakasarado pero kung gagamitin nilang isolation facility. Nakatulong na sila to prevent transmission, kikita pa sila," dagdag pa ni Dizon.

Humihiling ang NTF ng maayos na koordinasyon sa bawat lokal na pamahalaan at mga kumpanya para masolusyunan ang tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19.

Nagbigay rin ang NTF ng 5,000 ng personal protective equipment para sa mga frontliner sa San Pablo City, at nangakong may iba pang bubuksang isolation facility para sa mga nagkasakit ng COVID-19 sa Laguna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.