PatrolPH

DSWD workers' union humiling ng mass testing

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 04:11 PM | Updated as of Aug 16 2020 06:05 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Hiniling ng samahan ng mga empleyado ng Department of Social Welfare and Development sa ahensiya ang pagkakaroon ng malawakang testing para sa COVID-19 at pag-disinfect ng mga opisina.

Ito'y matapos mag-positibo sa COVID-19 ang hindi bababa sa 150 empleyado ng ahensiya, kasama ang ilang namimigay ng ayuda.

"'Yong management, walang kusa ipa-test ang kaniyang empleyado," ani Alan Balaba, national president ng Social Welfare Employees Association of the Philippines (SWEAP).

"Matagal na naming pinapanawagan 'yan at marami na kaming ginawang sulat kay Secretary [Rolando Bautista] pero parang ini-ignore lang ang aming request na magkaroon ng proteksyon ang aming frontliners," dagdag ni Balaba.

Ayon pa kay Balaba, may ilang empleyado rin mula sa DSWD Central Office ang humiling na i-lockdown muna ang opisina para magkaroon ng disinfection.

"Ayaw nila mag-lockdown daw ng management dahil maapektuhan daw 'yong operations," ani Balaba.

Kaniya-kanyang diskarte na rin ang mga regional director ng ahensiya para tumulong sa mga empleyado, sabi ni Balaba.

Ang SWEAP pa umano ang naglabas ng pondo para makapag-rapid test ang mga tauhan ng ahensiya noong Hulyo.

Pero tiniyak naman ng DSWD na binabantayan at tinutulungan nito ang mga infected na empleyado.

Nanawagan din si Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE) Secretary General Manuel Baclagon na ipa-test ang mga DSWD employee.

Naiwasan sana ang pagdami ng mga empleyadong may COVID-19 kung nagkaroon ng malawakang testing sa simula pa lang, ani Baclagon.

"We already demanded early on that we frontline public sector workers need more than just vitamin supplements and surgical masks," ani Baclagon. -- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.