MAYNILA — Anim na regional vice president ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang nagpasyang mag-leave muna habang gumugulong ang imbestigasyon ng iba't ibang ahensiya kaugnay sa umano ay katiwalian sa state insurance firm.
Sa isang sulat kay PhilHealth Executive Vice President and Chief Operating Officer Arnel de Jesus, sinabi ng mga opisyal na magli-leave muna sila kasunod ng panawagan ni Justice Secretary Menardo Guevarra habang patuloy ang imbestigasyon sa kanilang ahensiya.
Base sa kopya ng sulat na nakuha ng mga mamahayag ngayong Linggo, ang mga sumusunod ang mga magli-leave simula Lunes:
- Paolo Johann Perez, regional vice president in Mimaropa
- Valerie Ann Hollero, regional vice president in Western Visayas
- Datu Masiding M. Alonto Jr., regional vice president in Northern Mindanao
- Kadiuzzman M. Macabato, regional vice president in Autonomous Region in Muslim Mindanao
- Dennis Adre (floating status since September 2019)
- William Chavez (floating status since September 2019)
"This will give investigators a free hand in finding out those responsible and finally bring them to account," sabi ng mga vice president sa sulat.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi bahagi ng "mafia" sa PhilHealth ang 6 na opisyal.
"They were, in fact, referred to as 'heroes' by PhilHealth board member Alejandro Cabading during his Senate testimonies," ani Roque.
Ikinalugod naman ni Greco Belgica, commissioner ng Presidential Anti-Corruption Commission, ang pag-leave ng mga regional vice president.
"Maganda po iyan. It was our recommendation, simula pa lang, na ang mga iniimbestigahan ay sana mag-leave muna para makatulong sa imbestigasyon dahil malayang makakagalaw ang mga imbestigador," ani Belgica.
Samantala, tiniyak naman ni Belgica na hindi makalulusot ang mga ospital na dawit sa umano ay iregularidad sa PhilHealth.
"Definitely mayroon mga kasabwat na ospital dito dahil sila naman ang naniningil so meron pong makakasuhan na ospital," aniya.
Iniimbestigahan ng Senado, Kamara, PACC, at ng isang inter-agency body ang mga paratang ng katiwalian sa PhilHealth, kung saan sinasasabing sangkot mismo ang mga matataas na opisyal ng ahensiya. -- May ulat nina Katrina Domingo, Arianne Merez, at Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, PhilHealth, PhilHealth corruption, PhilHealth corruption probe, Senate, Presidential Anti-Corruption Commission, Department of Justice