4 bangkay natagpuan sa nasunog na bahay sa Cagayan de Oro

Maricel Butardo, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 08:49 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Apat na bangkay ang natagpuan sa isang nasunog na bahay nitong Sabado.

Miyerkoles nang masunog ang bahay ng pamilya Ayangod sa Zone 3, Barangay 22 sa Cagayan de Oro City.

Natagpuan dito ang bangkay ng apat na miyembro ng pamilya na sina Ador Ayangod, 53, ang asawa nitong si Juliet at mga anak na sina Joseph at Ester.

Ayon kay FO3 Jesreel Lasaga, imbestigador ng Cagayan de Oro City Fire District, walang nakapagsabi sa kanila na may naiwang tao sa loob ng bahay nang masunog ito.

"Walang kamag-anak na naghanap sa kanila. Walang nakapagsabi sa amin na may naiwang tao sa loob ng bahay. Ilang araw akong pabalik-balik sa fire scene dahil hinahanap ko nga si Ador, yung may-ari ng bahay. Nakalabas pa kasi siya sabi nung isang kapitbahay niya, bago lumaki ang apoy, pero hindi namin sya mahagilap," aniya.

Nang muling balikan ni Lasaga ang fire scene nitong Sabado sa patuloy na pag-iimbestiga, nakatawag pansin sa kaniya ang masangsang na amoy.

"Nangangamoy na. Di sila madaling makita dahil natabunan sila ng mga debris. May dalawang cadaver kami na natagpuan sa ikalawang palapag ng bahay, tapos yung isang bangkay nakadapa nasa kwarto, yung isa naman nakatihaya sa may kitchen area," paliwanag ni Lasaga.

Ang bayaw ni Ador na si Ryan Tato ang kumilala sa mga bangkay, na kasalukuyang nasa isang punerarya para sa isasagawang autopsy.

"Prineserve namin ang fire scene, naka-cordon pa ngayon. Dahil hindk pa tapos ang aming imbestigasyon. Makakatulong din yung autopsy report ng mga bangkay sa imbestigasyon namin para matukoy ang sanhi ng sunog," ani Lasaga.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na tumupok sa bahay ng pamilya. Dahil gawa sa kahoy ang ikalawang palapag ng bahay, mabilis itong tinupok ng apoy. Nadamay din sa sunog ang katabing bahay na pag-aari naman ng pamilya ni Ann Bati.

Si Ador ay kapitan ng barko at kasalukuyang nagpoproseso ng kaniyang mga papeles upang muling makasakay.

Nagtatrabaho naman sa Maritime Insurance ang asawa nitong si Juliet, at pawang mga estudyante ang dalawa nilang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.